Minsang Dayuhan


Agno Pangasinan - Umbrella Rock


“Pa, naimas diay kape idiay!”,                     - (Pa, ang sarap ng kape doon!)

Yan ang winika ng isang inang marahil ay nasa kalagitnaan na ng kaniyang ika-28 taong gulang sa kaniyang asawang bitbit ang kanilang anak sa pamilihan ng isang mall sa isang siyudad sa Pangasinan. Habang pinagmamasdan ko ang mag-asawa ay siya namang pag tusok ng mga tila maliliit na pako na patuloy na pumupukol sa’king damdamin. Marahil ay normal ng dahilan na nais ko lamang magliwaliw o makalimot kaya ako naparito pero sadyang iyon lamang ang natatanging dahilan ko kaya ninais kong maglakbay.

Ako si Elmer, isang Pilipinong nangangarap ng isang magandang buhay kasama ang babaeng aking minamahal.

Gaya nga ng nabanggit ko… Nangangarap lang ako… At marahil mananatili na lamang itong pangarap dahil wala na sakin ang babaeng napili kong makasama pang habang-buhay.

Kakahiwalay lang namin ng aking nobya nitong nakaraang dalawang linggo. Pitong taon din kaming magkasintahan. Hindi ko parin siya makalimutan at tila isang bangungot na lagi ko nalang naiisip kung ano na ang kaniyang kalagayan ngayon.

Nangungulila rin kaya siya? Nahihirapan din ba siya ngayon?, paulit-ulit kong tanong sa aking sarili.

Wala na kaming komunikasyon ngayon. Marahil sobrang sama ng loob niya kaya nagpalit na siya ng numero ng kaniyang telepono.

Wala akong kakilala sa napuntahan kong lugar. Ngayon ko lang napagtanto na mahirap palang magliwaliw ng mag-isa lalo na kung sa lugar na hindi ka naman talaga pamilyar. Wala akong maintindihan sa mga salitang binibitiwan nila. Wala akong kakilala at sa malilikot kong mga mata, napansin ko ang pagtitinginan ng mga tao sa akin.

Marahil iniisip nila na may “promdi” na naligaw… Prom-di-City!

Siyempre para sa tulad nila, ako yung “alien” sa lugar. Walang kamalay-malay na naglilibot na tila naliligaw.

Kung sabagay, naliligaw nga naman talaga ako. Hindi ko lang talaga maamin sa sarili ko kaya kung anu-ano nalang ang mga dahilang ginagawa ko maiwaksi lamang ito sa aking sentido.

Sa halagang tatlong libong piso, naglakas loob akong gumala sa malayong lugar. Akalain mo yun!? wala na ngang kakilala, walang kasama at buong tapang pang humarap sa gitna ng maikokonsidera kong dayuhang lugar? Marahil pinagtatawanan din ako ng mga kaibigan ko ngayon sa desisyong pinilit kong tuparin.

Tanghaling tapat na at wala pa akong lugar na matutuluyan. Laking gulat ko nalang na nung magtanong ako sa isang tindera ng yosi sa tabing kalsada ay marunong itong magtagalog!

“Manang, saan po kaya ako makakahanap ng matutuluyan dito?”, tanong ko sakanya.

“Ay, iho, walang mga hotel na malapit dito gaya ng kung anong kinalakhan mo sa Maynila. Maghanap ka na lamang diyan ng taong magtitiwala sayo para patuluyin ka sa kanilang tahanan.”, wika ng tindera.

Napakamot nalang ako sa ulo habang bumibili sa kaniya ng kalahating kaha ng sigarilyo at nagpasalamat. Sino ba naman ang magtitiwala sa hindi kakilala hindi ba? Sa Maynila nga kakilala mo na ng napakatagal na panahon ay siya pa minsang tumatalo sa’yo.

Naglakad-lakad pa ako ng kaunti sa bayan ng may makasalubong akong magandang dilag. Tila taga Maynila rin ang isang ito sa maputi niyang kutis, postura at tila modelong tindig.

“Excuse me miss, pupwede bang magtanong?” bungad ko sa kaniya.

“Bakit po manong? Ano po iyon?" ang siya namang tugon niya sa akin na tila nagbibigay pahiwatig na ang edad namin ay sadyang magkalayo.

Nasa ika-25 taon palang naman ako. Ganun na lang ba katanda ang itsura ko? Kung tutuusin, tila magkasing edad lang naman kami. Sa aming pag-uusap ay hindi ko maiwasang mapansin ang ganda ng kaniyang mga labi, mamula-mula ang mga ito at may kaunting kulay ang kaniyang buhok na nagpapatingkad pa lalo ng kaniyang maamong mukha.

“May alam ka bang maari kong tuluyan dito? Mukha kasing taga Maynila ka rin kaya naglakas loob na akong nagtanong sa iyo.”

“Ay, wala ho. Wala po ba kayong kakilala rito?” Tila, paiwas pa niyang tanong.

“Wala eh, mag hapon na akong naghahanap dito at kung hindi iiwas ang mapagtatanungan ko, parating wala ang sinasagot nila sa akin.” Agad kong tugon sa kaniya.

“Naku, ganun po talaga dito, probinsya naman na ho kasi ito.”

Sa hindi inaasahang lakas ng loob ay naitanong ko sakanya kung maaari ba akong makituloy sa kaniyang uuwian dito sa probinsya na agad din naman niyang sinagot ng mapait na hindi.

Ano pa nga ba ang aasahan ko? Nag mukha na nga akong matanda sa mata niya, bigla pa akong hihirit kung maari ba akong makituloy sa kanila. Pag tapos ng tanong na iyon ay agad na ring nagpaalam ang magandang dilag na aking binigyang palayaw bilang si “Miss Byu” at wala na akong nagawa kundi habulin nalang siya ng tingin.

Patuloy parin akong naglalakad ngayon. Kulay apoy na ang langit na tila nagbabadya pa ng isang malakas na ulan pag sapit ng dilim ng mapadpad ako sa tabing ilog. Umupo ako sandali sa damuhan upang makapag pahinga at suminding muli ng isa pang sigarilyo. Sa maghapong iyon ay tatlo na lang ang naiwan sa binili ko kay manang kanina at habang binubulatlat ko ang laman ng aking bag ay napansin ko ang isang bangka sa tabing ilog. Mukhang may mga tao sa kabilang parte ng ilog ngunit may tatanggap naman kaya sa akin doon? Isa pa, wala rin akong karanasan sa pagsasagwan, pano ko naman kaya ito tatawirin?

Habang nalalapit na ang baga sa upos ng aking papaubos na pampakalma, naglakas loob na akong tumawid sa kabilang ibayo at gamitin ang bangkang naka-daong dito sa aking kinatatayuan. Nai-alis ko na ang mga taling nagbibigkis dito at sa kinakapitan nito nang may sumigaw na tila pamilyar na tinig…

“Manong, aguray ka man!”                          - (Manong sandali lang!)

Nang lingunin ko ito ay si “Miss Byu” ang aking nakita! Kung hindi ba naman ako siniswerte. Hindi parin tapos ang araw ko ngayon.

“Ay manong, ikaw pala.. Saan na ang lakad mo ngayon?” wika niya sa akin.

“Eto, maghahanap parin ng matutuluyan. Tara, sabay ka na sa akin. Itatawid na kita.” Mukang taga dito si Miss Byu, baka swertehin at mapatuloy pa ako sa kanila kahit hanggang sa mga upuan na lang sa labas ng bahay nila.

“Marunong ka ba niyan?” Tanong niya sa akin habang sumasakay sa bangka at nginunguso ang sagwan.

“Oo naman! Lagi ko kayang pinapanuod ang mga ito sa TV. O siya, tara na!” aking pagmamalaki sa kaniya.

Walang anu-ano’y nagsagwan ako gamit ang aking natitirang lakas sa unang pagkakataon at matagumpay ko itong nairaos! Dagdag pogi points ito sigurado. Isang taga Maynila na agad natuto mamangka. Nasa kalagitnaan na kami ng aming pamamangka ng mamalayan nalang namin na may matatamaan pala kaming nakausling puno. Marahil ay natangay ito ng bagyo kaya naka balagbag ito sa gitna ng ilog.

“Diay banger manong! Diay bangeeeer!”              - (Sa kabila manong! Sa kabila!)

Pasigaw niyang sabi sa akin! Sa pagkataranta ko ay hindi ko na alam ang gagawin kaya tumama kami sa punong nakasagabal sa ilog at nahulog.

Kahiya-hiya man, hindi ako marunong lumangoy kaya ako ang kaniyang sinagip sa pagkakalunod kasama ng ilan niyang gamit. Mga pinamili lang ang kaniya kaya agad niya itong nabawi subalit ang mga gamit ko ay isa isa nang nagkalat sa malawak na ilog. Ang mga nailigtas ko na lamang ay ang aking cellphone, pera, at ang kasalukuyan kong damit na kung hindi ko suot ay nasa aking bulsa.

Pag daong namin sa ilog, humingi ako ng tawad kay Miss Byu sa nangyari at inaya niya ako na tumuloy muna sa kanilang tahanan. Pag dating namin doon, ay agad kong napansin na wala ng ilaw sa labas ng kanilang tahanan. Yun bang parang makikita mo sa mga horror movies na may malabong ilaw ang tahan at wala ng ilaw sa labas. Pawang nasa loob na lahat ng tao at mga aso na lang at ang mga malalaking paniki ang naglipana sa paligid.

Laking gulat ng kaniyang mga magulang at kapatid ng makita siyang basang-basa. Dali-dalli siyang nilapitan ng mga ito at kinuha ang kaniyang mga dala. Kumakain sila noon ngunit lahat sila’y napatigil at agad siyang inasikaso. Nag-usap sila sa salitang ilokano kung kaya wala na akong masundan sa mga nangyayari. Nang maiakyat na ng mag-anak si Miss Byu sa kwarto upang makapag ayos at magpalit ng damit, ay siya namang paglapit sakin ng kaniyang tila nakatatandang kapatid na lalaki.

“Sumama ka sa akin, magpalit ka narin.”  wika nito.

“Salamat po. Pasensya na po sa abala”

“Ano nga palang pangalan mo? Taga saan ka? Pano at bakit ka nakarating dito sa amin?” Kanyang pag-uusisa.

Sa dami ng tanong, pakiramdam ko tuloy makakasuhan ako sa mga nangyari. Kaya agad-agad ko nalang ito sinagot.

“Elmer po ang pangalan ko, taga Maynila at naisipan ko lang po magbakasyon dito sa lugar ninyo.”

“Mga taga Maynila talaga, dayo ng dayo wala namang siguradong pupuntahan. Hindi pa ba kayo masaya sa buhay niyo sa siyudad? Masagana kayo doon hindi ba? … Franco nga pala..” Yan ang mga nabanggit niya sa akin habang hinahanapan ako ng damit sa isang kabinet na nasa labas ng mga silid.

“Gusto ko lang makalimot pansamantala”

“Mukang mabigat yang dinadala mo bata… Ilang taon ka na ba at tila pasan mo na yang daigdig? May nabuntis ka ba at tumatakas ka lang?”

“Hindi naman po, away pag-ibig lang. Hindi lang kami nagkasundo sa ilang bagay kaya magulo ang kinahinatnan.”

“Para naman kayong mga bata” Habang inaabot niya sakin ang mga damit na tingin niyang magkakasya.

Habang nagpapalit ako ng damit ay kinalas ko na ang aking cellphone upang mapatuyo. Umaasang gagana pa ito makalipas ang ilang oras kasabay ng pagsasampay ng mga natitira kong pera sa upuan malapit sa bintana.

Pagkalabas ko ng silid ay nasa sala na ang mag-anak kasama si Miss Byu. Mukang ako ang pinag-uusapan.

“Ilang taon ka na nga uli iho?” Tanong sakin ng kanyang ama.

“25 po.” Habang papalapit sa isang bakanteng upuan malapit sa pamilya. Umiinom ang ama at ang anak na lalaking nagpakilalang si Franco at inalok nila akong tumagay. Sa ginaw narin siguro na aking nararamdaman ay hindi na ako tumanggi.

“Kaidad mo lang pala itong si Lyka” wika ng amang mukang medyo nahihilo na sa dami ng kaniyang nainom.

Ang isa pang binata na kapatid nila ang tila taga masid kung ano ang maaari kong gawin. Kung isa ba akong masamang tao o isang taong mapagkakatiwalaan. Nakakailang siyempre. Pakiramdam ko talaga’y isa akong kriminal na minamatyagan ng napakaraming mata. Buti nalang nabanggit ng ama ang pangalan ni Lyka. Kahit papano’y malaking bagay na iyon.

Sa kalagitnaan ng aming kuwentuhan ay nangangati nanaman ang aking lalamunan na humahanap ng usok ng sigarilyo. Hindi ko tuloy naiwasang magtanong.

“May yosi ho ba kayo dito? o malapit na tindahan?”

“Sa bayan pa ang mga tindahan dito, walang naglalakas ng loob na mamuhunan dahil wala namang tao sa paligid kaya bagsakan kami kung mamili.”

“Badtrip naman, bakit ba kasi naglakas loob pa akong mamangka kanina.” wika ko sa aking sarili habang pilit na nilalasap ang aking mga labi sa kung ano mang natirang lasa ng sigarilyong patuloy ko ng hinahanap.

Alas-11 na ng gabi ng makatulog ang mag-ama at ng alukin ako ni Lyka ng isang tulugan na malapit sa may pinto. Wala daw kasi silang sobrang silid para sa mga bisita kaya sa sahig sila natutulog kapag may mga dumarating na kamag-anak.

Buhay na buhay parin ang mga tradisyong Pilipino sa tahanang ito. Buti narin sigurong nalaglag kami sa bangka kanina kaya narito ako ngayon at kusang loob nilang tinanggap bilang panauhin. Nagpasalamat ako kay Lyka at humiga narin sa binigay sa’king tulugan.

Ala-una ng madaling araw ay nagising akong muli. Hinanap ko ang aking cellphone at dali-daling tinignan kung magbubukas ito. Awa naman ng Diyos at ito’y gumana! Lumabas ako ng bahay nila Lyka upang makahanap ng maayos na signal. Nagbabakasakaling hinahanap narin ako ng aking sinisinta.

Habang ako ay nasa damuhan sa labas ng tahanan nila Lyka ay tumabi siya sa akin.

“Masarap bang mag mahal?” pag-uusisa niya sa akin.

“Oo naman. Masaya, masarap, minsan siyempre dumadaan din sa pagsubok. Bakit? Hindi ka pa ba nagmahal?”

“Dati, tumigil na ako. Pare-pareho naman karamihan ng mga lalaki. Mga manloloko sila.”

“Maka-lahat ka naman, kala mo nakilala mo na lahat ng lalaking nabubuhay.”

Kung ako ang tatanunging, hindi ko maisip kung pano magagawa ng isang lalaking lokohin ang isang gaya ni Lyka. Para sa mga kaliweteng lalaki, masasabi mong si Lyka na yung tipong pagmamalaki mo at magpapatino sa’yo kahit itsura lang ang pagbabasihan. Pano pa kaya kung pati ugali.

“Accounting Graduate ako. CPA narin ako ngayon. Pero hindi parin naging sapat yun sa kaniya.”

Wow, na “Forever Alone” ata tong si Lyka mula nung huling pag-ibig niya.

“Kayo? Anong naging problema?” patuloy niyang pag-uusisa…

“Wala naman, siguro nga binulag ko lang siya. Kaya pati yung pagbabago ko hindi na niya makita.”

“Manloloko ka rin pala…” matumal niyang naging sagot sa akin.

“Nagbabago naman ang tao. Puwede pa namang magbago ang tao.” pilit kong sagot sa kaniya.

“Kung talagang mahal mo siya, bakit ka nandito ngayon? Bakit hindi mo ipakita yang pagbabago mo?”

“Ginawa ko naman na lahat. Wala talagang nangyayari.” pagalit kong sagot.

Tumahimik kami ng ilang minuto at sabay naming tinignan ang mga bituwin sa kalangitan kasama ng isang napakaliwanag na buwan.

“Nakikita mo ba yang mga bituwing yan sa Maynila?” tanong niya sa akin.

“Hindi eh. Masyado nang marumi ang kapaligiran ng Maynila. Marahil inayawan na ng mga bituwing manatili doon.”

“Alam mo ba na ang mga bituwing iyan ay nasa Maynila rin? Hindi lang natin sila makita dahil sa dumi ng ipinapakita natin sa kanila. Parang sa sitwasyon niyo rin. Hindi niya makita yung pagbabago mo dahil nasa dilim pa siya ngayon. Nasa kanya pa yung alaala ng nakaraan.”

“Ginawa ko naman na lahat para makalimutan niya yung mga iyon.”

“Sumusuko ka kasi, kaya hindi niya ito malimot. Hindi lang naman pag-ibig ang bumubuo at nagpapatibay sa isang relasyon. Kasama doon yung tiwala at mga pangako niyo. Yung mga hirap at sayang naranasan niyo.”

“Hindi niya matututunan yung halaga ko kung hindi ako mawawala sa kaniya.” – agad ko namang pag kontra sa pahayag niya.

“Pag matagal kang nawala… Makakalimutan ka narin niya…” yan ang mga huling sinabi sakin ni Lyka at bumalik na siya sa loob ng kanilang tahanan. Pag gising ko ng umaga ay agad akong naghanda para makabalik ng Maynila. Nagpasalamat ako kay Lyka maging sa pamilya nito at umalis bitbit pa ang damit na kanilang pinahiram sa akin.

Habang ako ay nasa bus, inisip ko ng puntahan ang aking sinta at makipag-ayos sa kaniya. Ngunit kalakip ng desisyong ito ang mga huling katagang binitawan ni Lyka sa akin.

                “Pag matagal kang nawala, makakalimutan ka narin niya…”

Habang papalapit ako ng papalapit sa tinutuluyan ng aking mahal, ay patuloy na umiindayog ang aking dibdib na tila ba nalalapit na sa aking huling hantungan.

Pag katok ko sa pinto ng bahay na aming pilit na pinundar ay ang pagsalubong ng isang ngiting nagmula sa isang lalaking hindi ko kailanaman nagisnan, at habang ako’y nakatulala ay ang paglabas din ng aking sintang payakap na tumalon sa lalaking aking naabutan…

~ WAKAS ~


Ito ay  lahok sa Saranggola Blog Awards 2012 (Ikaapat na Taon) sa kategoryang "Maikling Kwento"

Ang Saranggola Blog Awards 2012



ay inilunsad sa pakikipagtulungan ng 



Sponsors:


0 comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...